Mahilig akong maglakad. Isa na siguro yun sa mga hobby ko. Bukod sa tipid na, may makikita kang mga bagay na hindi karaniwang nakikita kung nasa bus or train ka. Pero dapat sa isang direksyon lang at dapat paulit-ulit. Pagdating kasi sa direksyon, talo ako dyan. Pwede akong maligaw sa kabilang kanto lang ng tinitirhan ko. Huwag judgmental! Hindi ako bobo. Slow lang tlga ako sa direksyon!
Sa mahigit na dalawang taong kong paninirahan dito sa bandang norte ng mundo. Ni minsan hindi ako nakapaglakad ng malayo. Oo takot ako. Buti sana kung may police station dito o maliit na tindahan o mga tambay na pwedeng pagtanungan kng sakaling dose oras ka ng naglalakad sa neighboorhood mo.
Pero isang araw, nakakuha ako ng lakas ng loob na maglakad-lakad mula doon hangang dito. Malayo din yun ah. Dahil ba may police station akong madadaan? Hindi. May tambay sa may kanto? Hindi din. May sari-sari store si Aling Nena sa bus stop? Sana nga. Pero wala e. Dahil may kasama ako! At kung maligaw ako. Dalawa kami. Hindi lang ako ang magmumukhang tanga.
Sa paglalakad naming yun, hindi ko maiwasang maikompara ang paglalakad ko at ang buhay ko dito. Gumagana nanaman ang malikot kong pagiisip at hindi ko tinitignan kong naliligaw na kami basta alam ko makakauwi din ako.
Naglalakad na kami ng mahigit trenta minuto at dumating na kami sa intersection. Dito magiisip ka kung sang direksyon ka pupunta. Kaliwa. Kanan. Diretso o pabalik. Pero huwag kang magtatagal magisip kung anong direksyon o tutuloy ka pa ba. Naka-green na ang ilaw, ikaw din baka maghintay ka ulit at mag-red na siya. At kapag niyapak mo na ang paa mo sa direksyong gusto mo, huwag mo nang parusahan ang sarili mo sa mga tanong na “E kung dun kaya ako pumunta?” Utang na loob. Bawal nang tumawid, nakamamatay!
Sa direksyon mong pinili, irespeto mo yun. Irespeto mo ang lupang tinatapakan mo at irerespeto ka din nya. Madaming bagay na aakit sa yo at mapapatagal ng lakad mo. Ang tanong, Iyan ba ay makakatulong sa paglalakad mo? Kung iyan ay magiging pabigat lang. Hayaan mo na. Baka sa kabilang kanto may ganyan ulit.
Ang paglalakad hindi basta-basta yan, kailangan may sapat kang kagamitan sa mahaba at nakakapagod na lakarin. Una na dyan ang sapatos, kahit na Nike o Adidas o kahit mag heels ka pa. Kung kaya mong dalhin, ok lang. Ang importante buhay pa ang mga binti mo paguwi mo. At kung iniisip mong pumorma habang nglalakad dahil sa mdaming makakakita na Aldo ang sapatos mo. Sige lang maiisip mo din yang kalokohan mo.
Hindi masamang magpahinga ng saglit. Umupo saglit. O tignan ang paligid. Minsan nga babalik ka dahil gusto mo pang pagmasdan ang bagay na nakita mo. O minsan hindi inaasahan kailangan mo talagang tumigil dahil sa mga bagay na nakapaligid sa yo. Pasensya. Makakauwi ka din. Darating tayo dyan. Pero huwag mong hayaang tumigil ka ng matagal. Hindi lang ikaw ang naglalakad, may ibang tao din. Baka makasagabal ka sa kanila o di kaya maging biktima ng mga taong sumasabay lang din sa paglalakad. Mag-ingat ka!
Ayan na! Wala ka pa sa kalahati ng lakaran, madilim na ang ulap. Huwag kang magreklamo kasama sa buhay yan. Tinatawag yang bugso ng kalikasan. Maging handa ka sa pabago-bagong panahon kapag tag-lagas, madulas na daan kapag tag-yelo, sa mapang-akit na bulaklak kapag tag-sibol at sa mainit at nakakasunog na tag-init.
Hayaan mong ang paglalakad na ito ay maging salamin ng yong buhay. Makinig sa dinidikta ng konsensya mo at hayaan mong ang mga ibong nasa paligid mo ay maging taga pagbalita sa paglalakad mo.
Sa bawat paglalakad, may katapusan yan. Hindi habang buhay mong lalakaran yan. Uuwi ka din. Magpapahinga. Tapos bukas ibang direksyon nanaman. Dapat maging handa ka na iwan ang paglalakad na iyon. Kahit na ayaw mong umuwi dahil sa magandang karanasan mo o pinipilit humanap ng short-cut. Tignan ang bawat sulok baka may makita kang katulad nun sa paglalakad mo ulit. Basahin ang mga babalang nakasulat. Batiin at ngumiti sa mga taong nakakasalubong, malay mo sa susunod na lakarin siya na ang kasabay mo. At higit sa lahat, mahalin ang bawat hakbang na ginawa mo. Hindi mo na kayang balikan isa isa ulit iyon.
Maging handa ka sa pabago-bagong panahon kapag tag-lagas, madulas na daan kapag tag-yelo, sa mapang-akit na bulaklak kapag tag-sibol at sa mainit at nakakasunog na tag-init.
August 10, 2011, 12:35pm
rak en rol sa kapsiyon! :) girlscout <3
ReplyDelete